Search for anything

Tabing Dagat

  • Start

    06 July 2024
  • End

    03 August 2024
  • Artist

    Jonathan Madeja

Nasa 9°47’27″N 115°51’24″E nakabalandra ang BRP Sierra Madre, na katukayo ng bulubunduking tumatabing sa Katagalugan kung may unos. Ang bapor sa Dagat Kanlurang Pilipinas na hitik sa kalawang dulot ng dekadang pagsisilbi sa digma ay muling nakikiramdam sa mga ihip ng hangin. Kung tutuusin, ang bapor ay bundok na lang ng bakal na tanod sa mga nakapaglalayag pa. Ang mga mangingisda at ang kanilang mga bangkang seaworthy na pauliuli sa laot. Kaya rin naman sila ang unang galadgad sa mga sigalot at unang daluyong ng kolektibo nating silakbo: ang dagat ay sa atin. 

Ang Tabing-Dagat ay paglaladlad sa mga tensyon at intensyon na lumalalim sa’ting katubigan. Paglalayag sa màlay, na malapit lang ang alit sa tubig kung arkipelago; nasa mga pantalan, talipapa hanggang sa ating mga sulyaw. Naging behikulo ni Atan bilang mangingisda ang mga self portrait para tugaygayin ang landscape; mga api na hindi pagapi sa sarnit ng mga kapangyarihan sa dagat. Ang paglaot nang walang piho ay pakikidigma. Ang latag ng lambat sa dagat ay paninindigan. Ang mga pagsugal ng soberanya dahil hindi na nga makapagladlad. Nawa’y ang silakbo sa pag-angkin sa mga tubig ay lukubin ng pagpapanauling-diwa na kaisa natin ang dagat.

Tayo ang dagat.

– Jord Earving Gadingan